“Sa tuktok ng bundok, nakatayo ang aming mundo—para sa iba, dulo ng mundo iyon; para sa akin, sentro ng lahat.”

Ako si Tomasito “Tomtom” Alonso, at ang buhay ko ay umiikot sa maliit na barong-barong namin sa ibabaw ng bundok. Ang aming tahanan, gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero, ay matatag sa kabila ng malamig na simoy ng hangin na parang yakap ng Diyos tuwing umaga. Sa gilid ng bangin, may munting taniman kami ng gulay—repolyo at mustasa—pinagmumulan ng aming pang-araw-araw na pagkain at kaunting kita.

Ayos na yan, Tomtom. Huwag mong dagdagan ang laman ng sako. Baka maipit ang likod mo.” sabi ni Mang Ruben, habang inaayos ang tali ng sako sa balikat ko. “Kaya ko, Tay!” sagot ko, nakangiti kahit namumuti na ang mga daliri sa lamig. Mas kaunti ang bibitbitin ni Nanay kapag mas marami ang karga ko, iniisip ko sa sarili.

Lumabas si Aling Nilda mula sa barong-barong, may dalang lumang panyo na basang-basa. Pinunasan niya ang pawis sa noo ko kahit malamig pa ang hangin. “O yan na naman kayo, napapailing,” bungad niya. “Bata pa yan, Ruben, huwag mong tratuhin na parang ikaw na agad. Mag-aral muna yang anak natin.”

“Mag-aaral po pa rin ako, Nay,” sagot ko agad. “Pagkababa natin sa bayan, dadaan pa rin tayo sa eskwelahan, ‘di ba?” Napangiti si Aling Nilda at marahang pinisil ang pisngi ko. Ngunit bago pa man kami makapagpahinga sa pagdating sa eskwelahan, kailangan muna naming maibenta ang mga gulay. Wala pa kaming pambili ng bigas para sa gabing iyon.

Bawat hakbang pababa ng bundok, dama ko ang bigat ng sako sa balikat at ang gasgas ng lubid sa balat ko. Ang tunog ng tuyong sanga sa ilalim ng tsinelas ko ay parang ritmo ng buhay na kinagisnan ko na. “Nak!” utos ni Mang Ruben sa isang sandali. Huminto kami at sumandal sa puno. “Alalahanin lagi, hindi habang buhay ganito,” sabi niya. “May araw din na hindi na natin kailangang mag-akyat-baba ng ganito kabigat.”

“Tay, paano po yun mangyayari?” tanong ko, nakatingala sa kanya. “Lumiit na nga yung lupang tinataniman natin.” Napabuntong hininga siya. “Dati, marami pa kaming lupang pag-aari ni Lolo Hilario, pero kinamkam ng mga kumpanya. May mga papel silang hawak, pero balang araw baka makuha natin ang hustisya.”

Hindi ko man lubos na naiintindihan ang hustisya noon, sapat na sa akin na marinig ang salitang “balang araw.”

Pagdating namin sa paanan ng bundok, nag-iba ang amoy ng hangin—halong usok ng tricycle, pritong isda sa karinderya ni Aling Vangi, at amoy ng bagong lutong pandesal sa panaderya. Pero kasabay ng halimuyak ng bayan ay ang mapanlait na tingin ng ilang tao. “Ayan na naman yung mga tagapundok,” bulong ni Lourde sa kaibigang si Marites. “Tingnan mo yung tsinelas ng bata. Halos hinihingi na ang kamatayan.”

Narinig ko iyon at sandaling napayuko, pero agad ko ring hinigpitan ang hawak sa sako. “Hayaan mo na! Nak!” bulong ni Aling Nilda.

Tahimik kaming nagbenta sa palengke. “Sariwang ustasa po, repolyo. Mura lang!” sigaw ni Mang Ruben. May ilan namang tunay na nakakita ng halaga sa amin, tulad nina Mang Turing at Aling Fe. “Ruben, bigyan mo nga ako ng dalawang kilo. Mas masarap ong gulay niyo,” sabi ni Mang Turing. Napangiti ako sa papuri. Kaunting barya na iyon, ngunit punong-puno ng dangal at pagtitiwala.

Pagkatapos magbenta, dumiretso kami sa maliit na paaralan. Nandoon si Ma’am Claris Mangunan, may hawak na lumang karton ng libro. “Otomasito, masiglang bati niya. Buti dumaan ka. May dinala akong bagong libro mula sa kapatid kong nagtuturo sa Maynila. Sigurado akong magugustuhan mo ‘to.”

Kumikinang ang mga mata ko. “Para po talaga sa akin yan, Ma’am.”

“Syempre, ikaw lang naman ang estudyante ko na hindi natatakot sa makapal na libro,” biro niya. “Pero may kondisyon. Kailangan mo akong pangakuan na hindi ka titigil mag-aral kahit gaano kahirap.”

“Opo, Ma’am! Mangakò po ako,” sabi ko nang buo ang boses, habang tumitingin sa mukha ng aking mga magulang. Pagod man sila, nandoon ang bahagyang ngiti at pag-asa.

Pag-uwi sa tuktok ng bundok, simpleng sabaw na may gulay at kaunting asin ang naghihintay sa amin. Napahiga ako sa banig, may hawak na lumang libro at maliit na lata kung saan itinatabi ko ang barya. “Tay, Nay, pwede po ba dito ko itabi lahat ng matitira nating barya?” tanong ko.

“Anong pangarap mo, Nak?” tanong ni Aling Nilda.

“Tingin niyo ong tsinelas ko, butas na. Minsan nasasaktan kayo sa bato. Gusto ko po balang araw makabili tayo ng tsinelas na hindi agad nasisira. Tapos baka makabili rin tayo ng bigas na hindi kinukuripot.”

Napailing si Mang Ruben, ngunit hindi maitago ang kilig sa puso. “Liit pa ng pangarap mo anak. Tsaka bigas lang.”

Ngunit sa gabi, habang nakatanaw sa bituin, muling ibinahagi ni Mang Ruben ang nakaraan. “Noong buhay pa ang Lolo Hilario, hindi ganito kahirap. Malawak ang lupain, may mga tauhan sa bukid. Pero dumating ang panahon na may mga taong kumamkam ng lupa namin sa pamamagitan ng mga papeles na hindi ko naiintindihan noon. Pinagpalit ng mundo ang apelyido nating Alonso sa kahirapan. Pero hindi ibig sabihin wala na tayong karapatan. Baka balang araw… ikaw na ‘yon, Tomtom.”

Hinawakan ko ang maliit na lata sa dibdib, iniipit ang munting pangarap at salita na hindi ko pa kayang unawain.

Lumipas ang mga taon. Halos lalaki na ako, mas mabilis bumaba at umaakyat ng bundok, mas mabigat na ang kaya kong buhatin. Ngunit pareho pa rin ang kinahihinatnan ng aming pagsisikap: sapat lang na bigas, kaunting asin, at ilang pisong itinabi sa maliit na lata.

Isang umaga, habang nag-aayos si Mang Ruben ng taniman at ako’y nagbubunot ng damo, may kakaibang ingay mula sa paanan ng bundok. Malalaking pickup at trak na may logo ng Golden Quest Mining Corporation ang umaakyat sa kalsada. Huminto kami sa pagtatanim.

Tay, ano iyon?” tanong ko.

“May dumating na naman, Tomas,” sagot ni Mang Ruben, nanginginig ang palad. Maya-maya, may kumatok sa tarangkahan. Isang lalaki, naka-long sleeves, mamahaling relo, may folder. “Magandang araw po. Ako si Engineer Marco Ilagan mula sa Golden Quest Mining Corporation. Kayo po ba ang pamilya Alonso na nakatira rito?”

Biglang bumigat ang hangin. Paliwanag niya: hawak nila ang titulo at permit mula sa gobyerno, legal ang operasyon. Kailangan kaming lumikas, may kaunting pera bilang tulong para sa relocation.

“Paano ang mga tanim namin? Paano ang kabuhayan ng lahat ng tao sa bundok?” tanong ni Aling Nilda, nanginginig ang boses.

“Pumunta kayo sa barangay hall mamaya. Ipaliwanag ng Kapitan Dioniso Rabe at ng aming representative,” sagot ni Engineer Marco.

Pagkalipas ng pulong, may lumapit na abogado mula sa NGO—si Atty. Ismael Cruz. “Narinig ko po ang usapan. May laban pa kayo, lalo na kung may ebidensya na ninakaw ang lupa ninyo. Halimbawa, mga lumang titulo, kasulatan, kahit lumang tax declaration.”

Kinabukasan, nagbukas kami ng lumang baol sa ilalim ng higaan. Doon nandoon ang mga lumang papel na pinanghawakan ni Lolo Hilario. “Nay, Tay! Tingnan niyo po ‘to!” sigaw ko, habang binubuklat ang dokumento—Alonso ang nakasulat, may selyo ng gobyerno.

Tahimik kaming nagmasid. Nagsimulang mabuo ang larawan: hindi lang kami basta tagabundok na inaalis sa lupa, kundi mga taong pwedeng lumaban. Hawak namin ang pangalan, kwento, at papel na matagal nang itinaguyod.

Sa unang pagkakataon, ramdam ko ang lakas na dati’y wala sa akin. Ang pangarap ng isang batang Tomasito ay nagsimula nang mabuo—sa ilalim ng malamig na hangin, liwanag ng buwan, at pagtutulungan ng pamilya.

Ang bundok, na para sa iba ay dulo ng mundo, ay sentro ng aming laban at pag-asa.