Sa likod ng tawanan at tawagang “ate,” unti-unting pumasok ang kasakiman sa isang tahimik na pagkakaibigan sa Thailand. Dahil sa pangakong trabaho at perang ipinagkatiwala, nauwi ang tiwala ni Ann sa isang trahedyang hindi niya inakalang magmumula mismo sa taong tinuring niyang pamilya.

Isang payapang umaga sa Nakhon Pathom Province ang sinimulan ng buhay ni Payawan Panghaw, mas kilala ng kanyang pamilya at mga kaibigan bilang Ann. Dalawampu’t apat na taong gulang, simple at tahimik ang kanyang pamumuhay, ngunit puno ng pangarap para sa sarili at sa kanyang anak. Hindi man siya nakapagtapos ng kolehiyo, nagsikap siyang kumuha ng short course sa maternal newborn care upang kahit papaano ay magkaroon ng sapat na kaalaman sa larangan ng pangangalaga.

Maaga pa lamang ay natutunan na ni Ann ang kahulugan ng sakripisyo. Naging dishwasher siya sa isang maliit na kantina, nagbenta ng isda, at kalaunan ay naging assistant sa isang maternity clinic. Sa kabila ng kakulangan, kilala si Ann bilang isang babaeng maayos manamit, mahilig mag-selfie, at may likas na ganda na agad napapansin ng marami.

Sa isang maternity clinic niya nakilala si Joel, isang driver na kalauna’y naging kanyang asawa. Bata pa si Ann nang sila’y ikasal at nagkaroon ng isang anak na lalaki. Habang si Joel ang naghahanapbuhay, si Ann naman ang nag-alaga sa kanilang anak. Simple ang kanilang buhay, sapat lamang sa araw-araw, ngunit puno ng pag-asa.

Habang lumalaki ang kanilang anak, kasabay ding lumalaki ang gastusin. Nang magsara ang maternity clinic kung saan muling nagtrabaho si Ann, dumating ang mas mabigat na pagsubok nang magkasakit ang kanilang anak. Napilitan ang mag-asawa na mangutang para sa gamutan. Upang makabayad, pumasok si Ann bilang waitress sa isang bar, kung saan mabilis silang nakabangon sa utang.

Ngunit hindi naging madali ang lahat. Hindi sang-ayon si Joel sa trabaho ni Ann sa bar, kaya nagpasya ang babae na tumigil. Sunod-sunod ang naging pansamantalang trabaho ni Ann, at sa pagnanais niyang magkaroon ng mas maayos at permanenteng hanapbuhay, humingi siya ng tulong sa isang taong itinuturing niyang ate.

Ang kapitbahay niyang si Norang Chay, o Nena, ay matagal nang bahagi ng kanyang buhay. May asawa si Nena na si Alex at limang anak. Kapwa simple ang kanilang pamumuhay at madalas ding kapos sa pera. Sa kabila ng nakaraan nina Ann at Alex bilang magkasintahan noong kabataan, nanatiling buo ang pagkakaibigan nina Ann at Nena.

Madalas manghiram ng pera si Nena kay Ann, at may mga pagkakataong hindi na ito nababayaran. Gayunpaman, pinili ni Ann ang umunawa. Maging si Joel ay bukas-palad sa pagtulong, madalas magbigay ng pagkain at tulong sa paghahanap ng trabaho kay Alex.

Nang mabalitaan ni Nena ang paghahanap ni Ann ng permanenteng trabaho, dito unti-unting pumasok ang panlilinlang. Inalok niya si Ann ng trabaho bilang nursing assistant sa isang ospital sa Nakhon Pathom, gamit ang umano’y kakilala at fixer. Sa kabila ng pag-aalinlangan, nanaig ang pangarap ni Ann na makapagtrabaho sa ospital.

Sunod-sunod ang hiningi ni Nena na pera, mula sa paunang bayad hanggang sa dagdag na halaga para sa mga papeles at pekeng sertipiko. Umabot sa apatnapu’t apat na libong piso ang naibigay ni Ann, halos ubos ang kanyang ipon. Sa bawat tanong ni Ann kung kailan siya magsisimula, laging may palusot si Nena.

Hanggang sa unti-unting napagtanto ni Ann na siya’y naloko. Araw-araw niyang sinisingil si Nena, ngunit palaging wala ito sa bahay. Noong Marso 4, 2024, nakita niya si Nena sa kalsada at hayagang kinompronta. Upang maiwasan ang kahihiyan, inaya siya ni Nena na mag-usap sa bahay.

Sa biyahe, muling pinangakuan si Ann na magsisimula na raw siya sa trabaho. Ngunit habang nagmamaneho si Ann ng motor, lihim nang nagpadala ng mensahe si Nena kay Alex, na kailangan nang patahimikin si Ann. Pagdating sa madilim na bahay, bigla na lamang tinamaan ng matigas na bagay ang ulo ni Ann at siya’y nawalan ng malay.

Doon nagtapos ang tiwala at pagkakaibigan. Sa loob ng bahay, nagkasundo ang mag-asawa na tuluyan nang wakasan ang buhay ni Ann upang takasan ang pananagutan sa perang kanilang kinuha. Ang mga sumunod na oras ay puno ng kalupitan, na kalauna’y nag-iwan ng bakas na hindi nila kayang itago.

Matapos ang insidente, tumakas ang mag-asawa at ginamit pa ang cellphone ni Ann upang linlangin si Joel. Nagpanggap si Nena bilang si Ann, humingi pa ng pera, at umiwas sa video call. Dito nagsimulang magduda si Joel hanggang sa tuluyang i-report ang pagkawala ng kanyang asawa.

Sa tulong ng CCTV, digital investigation, at mga ebidensyang natagpuan sa bahay at ilog malapit sa tinitirhan nina Nena at Alex, nabuo ang kaso. Kinumpirma ng DNA test na ang mga labi ay kay Ann. Ang buong Thailand ay nabalot ng lungkot at takot sa sinapit ng isang ina na nagtiwala sa maling tao.

Noong Marso 19, 2024, natunton ang mag-asawa sa Chiang Mai at inaresto sa isang hotel. Sa harap ng matibay na ebidensya, umamin sila sa kanilang ginawa. Kinasuhan sila ng m.u.r.d.e.r., f.r.a.u.d., at t.h.e.f.t., at kasalukuyang nakakulong habang dinidinig ang kanilang kaso.

Ang kwento ni Ann ay paalala na ang kasakiman at panlilinlang ay maaaring magmula sa pinakamalapit na tao. Isang trahedyang nagsimula sa pangarap ng mas magandang buhay, ngunit nagtapos sa pagkawala ng tiwala, pagkakaibigan, at isang inosenteng buhay.